|
||||||||
|
||
BERLIN--Nagsagawa kahapon ang mga ministrong panlabas mula sa Alemanya, Pransiya, Rusya at Ukraine ng bagong round ng talastasan hinggil sa krisis sa Ukraine.
Ang pangunahing paksa sa talastasan ay ang posibilidad ng pagdaraos ng pulong ng mga puno ng estado ng nasabing apat na bansa samakalawa sa Astana, Kazakhstan, ayon sa iskedyul. Pero, ipinalagay ng mga ministrong panlabas na dahil nasasadlak sa deadlock ang planong pangkapayapaan sa dakong silangan ng Ukraine, hindi pa tiyak kung gaganapin ang nasabing summit sa nakatakdang panahon.
Sapul nang maganap ang sagupaan sa pagitan ng Pamahalaan ng Ukraine at kontra-gobyernong elemento sa silangan ng bansa, 4,700 tao ang namatay.
Ipinahayag kahapon sa Moscow ni Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya ang pag-asang maipapataw ng mga bansang Kanluranin ang presyur sa Ukraine para malutas ang krisis ng bansa sa paraang pulitikal.
Ipinahayag naman ni Jens Stoltenberg, Pangkalahatang Kalihim ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na kailangang itigil ng Rusya ang suporta nito sa mga elemento sa silangan ng Ukraine na nais humiwalay mula sa bansa, para makalikha ng kondisyon para sa talastasang pangkapayapaan .
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |