SINIMULAN ni Senador Miriam Defensor-Santiago, chairperson ng Senate Committee on constitutional amendments and revision of codes and laws, ang pagdinig sa kontrobesyal na Bangsamoro Basic Law sa paggamit ng debate.
Sinimulan ang pagdinig sa pagkilala sa apat na malalaking isyung bumabalot sa BBL, ang pagsasabatas laban sa pagbabago ng saligang batas, ang checks and balances sa pamahalaang pambansa laban sa kawalan nito sa BBL, sovereignty laban sa sub-state, at territorial integrity laban sa functional division.
Sa unang debate, maghaharap sina Secretary Teresita Quintos-Deles, Presidential Adviser on the Peace Process at dating Supreme Court Justice Florentino P. Feliciano sa legislation versus constitutional change.
Naniniwala si Gng. Deles na ang BBL ay maipapasa tulad ng karaniwang batas na ipinapasa ng dalawang kapulungan. Naniniwala naman si Justice Feliciano na ang BBL ay nararapat mapaloob sa panukalang pagbabago ng saligang batas. Suportado ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, dating SC Justice Vicente V. Mendoza, dating UP Law Dean Merlin Magallona at San Beda College Graduate School of Law Dean Fr. Ranhillio C. Aquino si Justice Feliciano.