Si Wang Qishan, Kalihim ng CCDI
Sa Ika-5 Sesyong Plenaryo ng Ika-18 Central Commission for Discipline Inspection (CCDI) ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) na idinaos kamakailan, binigyang-diin ni Wang Qishan, Kalihim ng CCDI, na ang mahigpit na pagsisiyasat at pagpaparusa sa mga kapabayaan ng mga mataas na opisyal ng bansa na gaya nina Zhou Yongkang, Xu Caihou, Ling Jihua, at Su Rong, ay lubusang nagpapakita ng matatag na kalooban ng Komite Sentral ng CPC sa paglaban sa korupsyon.
Tinukoy ni Wang na noong isang taon, pinalakas ang puwersa ng pagsisiyasat sa disiplina, at buong tatag na pinigil ang tunguhin ng pagkalat ng korupsyon. Aniya pa, noong 2014, natanggap ng mga disciplinary organs ng buong bansa ang 2.72 milyong liham ng pambubunyag at reklamo, 226 libong kaso ang nailagay sa pila ng kasong iimbestigahan, at 218 libo naman ang natapos at inilabas ang resulta. Bunga nito, 232 libong opisyal na nagpabaya sa tungkulin ang nabigyang-parusa, at 12 libo naman na pinagdududahang nang-abuso sa tungkulin ang nailipat sa organong hudisyal.
Kaugnay ng gawain ng CCDI sa kasalukuyang taon, binigyang-diin ni Wang na patuloy na pananatilihin ang tunguhin ng paglaban sa korupsyon, at buong tatag na sisiyasatin at paparusahan ang mga aksyong grabeng lumalabag sa disiplina ng CPC.
Salin: Li Feng