Sa ngalan ng Tsina, nangulo kahapon sa bukas na debatehan ng United Nations (UN) Security Council (UNSC) si Ministrong Panlabas Wang Yi.
Sinabi ni Wang na ang debatehan na may tema sa pangangalaga sa kapayapaan at kaligtasang pandaigdig, ay idinaos bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng tagumpay ng digmaang pandaigdig laban sa Pasismo.
Ipinagdiinan niyang itinatag ang UN pagkaraan ng nasabing digmaan, at mababasa sa Karta nito ang diwa at paniniwala ng komunidad ng daigdig na iwasan ang mga sakunang dulot ng digmaan at panatilihin ang pangmatagalang kapayapaan. Nanawagan siya sa mga kalahok na kinatawan ng iba't ibang bansa na patuloy na manangan sa diwa ng Karta ng UN, at kasabay nito, batay sa agos ng kasalukuyang panahon at aktuwal na pangangailangan, bigyan ng bagong bitalidad ang Karta ng UN.
Kaugnay ng pagpapasulong ng UNSC ng relasyong pandaigdig sa ika-21 siglo, iminungkahi ni Wang na una, itaguyod ang kapayapaan at itakwil ang alitan; ikalawa, hikayatin ang pagtutulungan, sa halip nakomprontasyon, sa pagitan ng iba't ibang bansa, malaki man o maliit; ikatlo, itaguyod ang katwiran, sa halip ng hegemonismo; ikaapat, pasulungin ang win-win situation, sa halip na situwasyong di-nakakabuti sa sinuman.
Salin: Jade