(Photo source: www.zsnews.cn)
Ayon sa pinakahuling ulat na ipinalabas ng World Tourism Cities Federation (WTCF), ang mga Tsinong isinilang noong 1980s ay nagsisilbing pangunahing outbound tourists ng Tsina. Anang ulat, noong 2014, mahigit 2/3 ng mga mamamayang Tsino na naglakbay sa ibayong dagat ay ang mga kabataang Tsino may edad mula 25 hanggang 35 taong gulang.
Idinagdag ng ulat na ang nasabing henerasyon ng Tsina ay nasa golden period ng kanilang karera, at kumpara sa henerasyon ng kanilang mga magulang, hindi lang pamamasyal sa magagandang tanawin at pamimili ang kanilang nais, ang paglalakbay ay nagsisilbi ring paraan para mapataas ang kalidad ng buhay nila.
Sa kasalukuyang bakasyon ng Chinese New Year o Spring Festival, upang maakit at paglingkuran ang mga turistang Tsino, inilunsad ng mga bansang dayuhan ang iba't ibang serbisyo at aktibidad ng promosyon. Halimbawa, sa Hamad International Airport sa Qatar, pinasinayaan ang China Pavilion kung saan mabenta ang mga produktong duty free. Sa Sydney, Australia naman, mababasa sa taksi ang poster sa wikang Tsino na nangangahulungang Welkam sa Australia.
Salin: Jade