Ipinahayag kahapon ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na pinag-aaralan ng mga bahay-kalakal ng Tsina at Kambodya ang posibilidad ng pagtutulungan sa hydro-electricity. Suportado aniya ng pamahalaang Tsino ang mga kompanya ng dalawang bansa sa pagsasagawa ng kooperatibong proyektong may mutuwal na kapakinabangan.
Winika ito ni Hong sa isang regular na preskon nang sagutin ang tanong hinggil sa iniulat na kapasiyahan ni Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya kamakalawa na huwag simulan ang konstruksyon ng isang malaking dike sa dakong timog-kanluran ng bansa hanggga't hindi sumasapit ang taong 2018 kung saan magtatapos ang kanyang termino bilang punong ministro ng bansa.
Sinabi ito ni Hun isang araw makaraang paalisin mula sa Kambodya si Alex Gonzalez-Davidson, anti-dam Spanish activist dahil sa pagkapaso ng bisa niya.
Batay sa opisyal na pahintulot ng Ministri ng Mina at Enerhiya ng Kambodya, nagsimula ang Sinohydro, hydropower company na ari ng estado ng Tsina, ng feasibility study hinggil sa konstruksyon ng nasabing dike noong Marso, 2014. Nakipagtulungan din ang Sinohydro sa Sawac, isang consultancy ng Kambodya para pag-aralan ang posibleng epekto sa kapaligiran na idudulot ng konstruksyon ng dike.
Salin: Jade