Gaganapin ang taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), lehislatura ng Tsina at Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), punong organong tagapayo ng bansa, sa darating na Marso. Ayon sa mga dalubhasang Tsino, ang pagpapalalim ng reporma ay nagsisilbing pangunahing paksa ng idaraos na sesyon.
Sinabi ni Chi Fulin, Presidente ng China Institute for Reform and Development (CIRD), na sa talumpati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa isang pagtitipun-tipon bilang pagdiriwang sa Chinese New Year, pinahalagahan ng pangulong Tsino ang ibayo pang pagpapasulong ng pambansang kaunlarang pangkabuhayan at pagpapasulong ng reporma at pagbubukas sa labas. Ipinakita aniya nito ang malinaw na estratehiya ng liderato ng Tsina sa pagpapasulong ng pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng reporma.
Sinang-ayunan ang paninindigang ito ni Wang Xiaoguang, dalubhasa mula sa Chinese Academy of Governance.
Ayon sa mga dalubhasa, upang mapalalim ang reporma ng bansa, inaasahang babalangkasin at pagtitibayin sa gaganaping sesyon ng NPC at CPPCC ang mga bagong batas at hakbangin na may kinalaman sa social security, edukasyon, kalusugan at kultura.
Kasabay nito, pabibilisin din ng Tsina ang reporma sa mga sistemang lehislatibo at hudisyal para mapalalim ang reporma sa ibang mga larangan ayon sa batas. Salin: Jade