|
||||||||
|
||
MARAMING leksyong natutuhan ang liderato at mga mamamayan sa naganap sa nakalipas na ilang linggo, kabilang na rito ang pangangailangan ng ibayong pagsusuri sa Bangsamoro Basic Law na ngayo'y nakabimbin sa Senado at Kongreso.
Ayon kay Abraham Idjirani, ang secretary-general ng Sultanate of Sulu, hindi basta magaganap ang pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law sapagkat hindi naman nakasama sa mga pulong at konsultasyon ang nagmula sa ibang tribo at maging ang mga Lumad. Ani Idjirani, may kasaysayang nararapat pagbalik-aralan upang makamtan ang tunay na kapayapaan sa Mindanao at mga kalapit-pook.
Para kay Dr. Margarita "Tingting" Cojuangco, isang dahilan kaya't desidido ang kanyang pamangking si President Benigno Simeon C. Aquino III na maipasa ang Bangsamoro Basic Law ay nais niyang makamtan ang Nobel Peace Prize na karaniwang iginagawad sa mga taong nakatulong na makamtan ang kapayapaan sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Hindi umano nababatid ng kanyang pamangkin ang mga implikasyon ng panukalang batas.
Sinabi naman ni General Edilberto Adan, dating AFP Southcom Chief at dating opisyal ng Department of Foreign Affairs sa Visiting Forces Agreement, na kahit sa Philippine Constitution Association (PhilConsA), nasuri ng mga dalubhasa ang panukalang batas at napapaloob sa isang 75-pahinang pag-aaral ay maraming probisyong taliwas sa Saligang Batas.
Ipinaliwanag din ni Arsobispo Oscar V. Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na may iba't ibang paraan upang makabuo ng batas tulad ng mga nagmumula sa lehislatura o sa ehekutibo na itataguyod ng lehislatura at maging mga desisyon ng Korte Suprema ay nagiging batas din ng bansa.
Subalit sinabi ni Arsobispo Cruz na tangan o hawak ng ehekutibo ang lehislatura at maging ang hudikatura kaya't hindi sila makapalag sa anumang kahilingan ng pangulo ng bansa lalo na noong panahong mayroong Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Development Acceleration Program.
Niliwanag ni Arsobispo Cruz na kahit wala na ang dalawang ito ay mayroon pa ring paraan ang ehekutibo na magpa-ulan ng biyaya sa mga kaalyado.
Kapwa nanawagan sina Dr. Cojuangco at Arsobispo Cruz na magbitiw na sa tungkulin si Pangulong Aquino bago pa man sumapit ang Hunyo 30, 2016.
Para kay Ms. Malou Tiquia, isang political analyst, mas makabubuting huwag umalis si Pangulong Aquino sa Malacanang sapagkat siya ang magiging halimbawa ng uri ng taong hindi nararapat iboto ng mga mamamayan.
Binalikan ni Arsobispo Cruz ang serye ng mga trahedyang natamo ng bansa sa ilalim ni Pangulong Aquino mula sa naganap na trahedya sa Luneta noong Agosto 2010, ang tinaguriang "Atimonan Massacre" at ang nakalipas na trahedya sa Mamasapano. Anang arsobispo, hindi nakita ang liderato ng pangulo sa mga pagkakataong ito.
Samantala, itinanong ni Malou Tiquia sa dalawang dating general kung kailangan pa na ang National Security Council sapagkat hindi naririnig kung naiipon ba ang mga kasapi nito sa bawat krisis na tumatama sa bansa.
Ipinaliwanag ni General Adan na mayroong standard operating procedures na sinusunod ang mga militar sa oras ng emerhensya. Hindi nga lamang ito nasusunod dahil sa mga pumapapel sa pamahalaan na mas nakapipinsala kaysa makatulong.
Hindi rin maunawaan ni Commodore Robles kung bakit text messages ang gamit ng mga operatiba samantalang mayroong dalawang frequencies ang militar na maaaring pakinabangan ng lahat ng kawal o pulis.
Mas malaki ang nararapat ipaliwanag ni Pangulong Aquino lalo't lumabas ang isang video noong Sabado na nagsasabing batid na ng pangulo ang nagaganap mula noong umaga ng Linggo.
Sa pananaw ni Commodore Robles, walang sama ng loob si Police Director Getulio Napenas sapagkat ang layunin lamang niya ay mapapagsalita sina General Gregorio Pio Catapang na hindi sila inutusan ng pangulo na iligtas ang mga pulis.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |