Magkakasunod na ipinahayag kamakailan ng Britanya, Pransya, Italya at Alemanya ang kanilang intensyon na maging miyembrong tagapagtatag o founding member ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB). Sa kasalukuyan, umabot na sa 31 ang bilang ng mga bansang may intensyong sumapi sa AIIB, na kinabibilangan ng Pilipinas.
Bukod sa nasabing apat na miyembro ng G7 at ang Pilipinas, ang iba pang 26 na bansang nakahanda ng sumapi ng AIIB ay Bangladesh, Brunei, Cambodia, Tsina, India, Indonesia, Jordan, Kazakhstan, Kuwait, Laos, Maldives, Malaysia, Mongolia, Myanmar, Nepal, New Zealand, Oman, Pakistan, Qatar, Saudi Arabia, Singapore, Sri Lanka, Thailand, Uzbekistan, Biyetnam at Tajikistan.
Nakatakdang tapusin ng mga kasaping bansa ang talastasan at paglagda sa Karta at mga regulasyon ng AIIB bago ang katapusan ng darating na Hunyo. Naka-iskedyul namang isaoperasyon ang bangkong ito bago magtapos ang 2015.
Ang AIIB, isang inter-governmental na institusyon, ay itinatag batay sa mungkahi ng Tsina. Naglalayon itong pasulungin ang kaunlaran ng mga bansang Asyano sa pamamagitan ng pamumuhunan sa imprastruktura.
Salin: Jade