|
||||||||
|
||
Bilang tugon sa ulat hinggil sa kanyang pananalita sa isyu ng South China Sea, ipinaliwanag kamakailan ni Pangulong Joko Widodo ng Indonesia na walang kinikilingan ang kanyang bansa sa nasabing isyu.
Kaugnay nito, sinabi kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na mahalaga ang papel ng Indonesia sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ipinagdiinan niyang sa kasalukuyan, buong-higpit na tinutupad ng Tsina at mga kasaping bansa ng ASEAN ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) at isinasagawa rin nila ang talastasan hinggil sa pagbalangkas ng Code of Conduct ( COC).
Ipinahayag din ng tagapagsalitang Tsino ang kahandaan ng kanyang bansa na lutasin ang mga alitang pandagat sa pamamagitan ng talastasang pangkaibigan sa mga may kinalamang bansa. Umaasa aniya ang Tsina, kasama ang lahat ng mga may kinalamang bansa, na makakapag-ambag para sa katatagan ng rehiyon.
Noong ika-23 ng Marso, inulat ng media Hapones na ipinahayag ni Widodo na walang batayang pambatas ang claim ng Tsina sa bahagi ng South China Sea. Kinabukasan, sinabi ni Widodo na umaasa lamang ang Indonesia na pasulungin ang pagbalangkas ng COC.
Sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sinimulan ni Pangulong Joko Widodo ng Indonesia ang kanyang opisyal na pagdalaw sa Tsina, at lalahok sa Taunang Pulong ng Boao Forum for Asia.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |