MILYUN-MILYONG mga Filipino ang gugunita sa Mahal na Araw o Semana Santa na nagsimula kahapon sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas. Milyong mga Filipino ang nagtungo sa mga simbahan upang magpabasbas ng palaspas agt makiisa sa liturhiya.
Simula ito ng isang linggong pagdalaw sa mga simbahan at mga kinikilalang pilgrimage sites. Sa mga lungsod at bayan ay mayroon ding mga pabasa at paggunita sa Huling Hapunan pagsapit ng Huwebes Santo. Nanananawagan din ang Simbahan sa tatlong mahahalagang nararapat gawin sa loob ng linggong ito, ang pag-aayuno, pagkukumpisal at pag-aabuloy o paglilimos sa mga nangangailangan.
Nanawagan ang Simbahan sa mga mangingibang-pook na magkaroon din ng pagkakataong magsimba at dumalaw sa Santisimo Sacramento pagsapit ng Huwebes Santong gabi.
Pagsapit ng Sabadong gabi, isasagawa ang Easter Vigil sa ganap na ika-sampu at sa ibang simbahan ay magkakaroon ng tradisyunal na Salubong sa madaling-araw.
Sa mga nagtatrabaho, pagkakataon din itong magkasama-sama ng pamilya at may mga nagbabakasyon sa mga tabing-dagat. Daang libo rin ang inaasahang magtutungo sa Baguio City upang magpalamig.