NANINIWALA si Fr. Eliseo Mercado, OMI na makitid ang pananaw ng pamahalaan sa peace process. Mas malaki ito kaysa Bangsamoro Basic Law na sa ngayon ay isang panukalang batas na nagmula sa peace process.
Sa isang panayam, sinabi ni Fr. Mercado na ang mga nakalipas na mga kasunduan maging sa Moro National Liberation Front ay tugma sa nilalaman ng Saligang Batas ng Pilipinas at hindi kaillanman makakabawas sa nasasakupang lupain at karagatan ng bansa. Ito rin ang pananaw ng mga senador at kongresista na siyang nagsusuri ng Bangsamoro Basic Law.
Wala umanong pinag-uugatan ang peace process ng pamahalaan, walang kasaysayan na nagsimula noong 2010 at hindi binalikan ang mga nakalipas na kasunduan at nakatuon lamang sa taong 2016.
Sana ay nakita ng lupon ang kasunduan noong 1976 sa Tripoli at noong 1996 agreement na nilagdaan ni Governor Nur Misuari upang hindi mapasubo ang pamahalaan. Nanatili umanong tahimik sina Peace Adviser Teresita Quintos-Deles at Government Chief Negotiator Miriam Coronel-Ferrer sa isyu ng Saligang Batas at territoriality mula ng makipag-usap sa mga pinuno ng Moro Islamic Liberation Front.