Sa kautusan ni Min Aung Hlaing, Commander-in-Chief ng Defense Services ng Myanmar, nagsadya sa Tsina si Major General Aung Than Htut ng Ministri ng Tanggulang-bansa ng Myanmar para humingi ng paumanhin sa Tsina kaugnay ng pagkamatay ng apat na sibilyang Tsino dahil sa pambobomba ng eroplanong militar ng Myanmar.
Nagtagpo kahapon sina Major General Aung Than Htut at Fang Fenghui, Chief of General Staff ng People's Liberation Army (PLA) ng Tsina. Ipinahayag ni Fang ang pag-asa ng panig Tsino na maayos na hahawakan ng Myanmar ang aftermath ng trahedyang ito at buong-higpit na pangangasiwaan ang operasyong militar sa hanggahan ng Tsina at Myanmar.
Ipinahayag naman ng panig ng Myanmar ang taos-pusong pakikidalamhati sa mga kamag-anak ng mga namatay na Tsino at mga sugatan. Ipinangako rin nitong parurusahan ang mga may pananagutan sa insidenteng ito, at iiwasan ang muling pagkaganap ng aktulad na pangyayari.
Noong ika-13 ng Marso, hinulog ng eroplanong militar ng Myanmar ang bomba sa teritoryo ng Tsina. Bunsod nito, namatay ang apat na sibilyang Tsino na nagsasaka sa bukirin ng tubo sa Nayong Dashuisangshu, Mengding Township, Dima County, Lunsod Lincang, Yunnan, lalawigan sa hanggahan ng Tsina at Myanmar.
Salin: Jade