|
||||||||
|
||
SINABI ni Arsobispo Socrates B. Villegas na malaki ang kanyang natutuhan sa kanyang pagiging obispo ng Balanga, Bataan na kinalalagyan ng Dambana ng Kagitingan. Natuto rin siya sa Bataan hinggil sa kapayapaan at kung ano ang leksyon ng Bataan sa Bangsamoro Basic Law.
Kailangan ang pagkakaroon ng kapayapaang nakatuon sa tamang prinsipyo. Nababagabag siya sa paghahanay ng BBL sa posibilidad na bumalik ang kaguluhan at pagdanak ng dugo sa oras na hindi makapasa ang panukalang batas.
Anang arsobispo, hindi lamang sa tigil-putukan nakatuon ang pansin ng madla at hindi lamang sa pagtigil ng mga sagupaan sapagkat ang nilalaman nito ay nararapat pag-usapan ng madla. Ang pagsasabing matitigil ang kapayapaan kung hindi maipapasa ang BBL ay hindi ayon sa "principled peace."
Pag binabanggit ang "people of Mindanao" hindi lamang ito para sa mga Muslim sapagkat maraming mga komunidad na hindi Muslim. Kailangang magtagumpay ang katarungang panglipunan lalo't lumalabas na ang mga lalawigan ay nakatatanggap ng mga mumo sa laki ng kinikita ng mga nasa Kamaynilaan.
Dalawa pang binigyang pansin ni Arsobispo Villegas ay ang self-determination at ang religious freedom.
Ang lahat ng mga mamamayan, hindi lamang ang mga opisyal ang nararapat magsulong at magtanggol ng Saligang Batas sapagkat ito ang naglalaman ng adhikain ng bawat Filipino.
Makabubuting pawiin ang mga balita na sususugan ang Saligang Batas upang maipasa ang Bangsamoro Basic Law. Hindi kailanman kailangang magtagpi-tagpi ang Saligang Batas. Maliwanag na rin umano ang desisyon ng Korte Suprema sa naudlot na Memorandum of Agreement on Ancestral Domains na pinamagatang "Province of North Cotabato vs. GP Peace Panel" noong 2008.
Marami pa umanong sektor na hindi nakasama sa talakayan. Hindi sila nararapat pabayaang sa labas ng mga pag-uusap. Ikinababahala din niya ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ipinagtatanong din niya kung bakit hindi isinama ang mga sultanato sa pag-uusap. Maliwanag ba ang kanilang kinabukasan sa ilalim ng BBL?
Sinabi pa ni Arsobispo Villegas na ang bansang Pilipinas ay isang biyaya mula sa Panginoon at kailangan ng bansa ang kapayapaan. Kailangan ang mga batas upang mapagtibay ang kapayapaan, ang sinasabing "principled peace."
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |