HUMILING ng panalangin si Vice President Binay sa kaligtasan ni Mary Jane Veloso, ang Filipinang nahaharap sa kamatayan sa piitan sa Indonesia dahilan sa diumano'y drug smuggling. Nais ni G. Binay na makausap si Pangulong Widodo ng Indonesia upang iparating ang kahilingang iligtas ang Filipina.
Umalis kaninang umaga si Vice President Binay patungo sa Indonesia para sa Asian-African Summit sa Bandung. Umaasang maililigtas pa si Veloso sa kamatayan.
Kumbinsido umano siya na walang kasalanan ang napiit na si Mary Jane Veloso kaya't kailangang tulungan sa pamamagitan ng panalangin at pagtatangkang makumbinse si Pangulong Widodo na iligtas ang Filipina.
Samantala, sinabi ng Department of Foreign Affairs na kumilos na si Kalihim Albert F. del Rosario upang mapagbigyan ang kahilingan ni Mary Jane Veloso na madalaw manlamang siya ng kanyang pamilya sa Indonesia. Ang anumang magiging dahilan ng pagkabalam ay sa personal engagements na ng pamilya.
Handang tumulong ang pamahalaan kay Ms. Veloso na makaharap ang kanyang pamilya bilang bahagi ng pagtatangkang matulungan ang napipiit.