MATAPOS ang serye ng mga kapalpakan sa Metro Rail Transit 3, naglabas sa wakas ng salapi ang Department of Budget and Management na nagkakahalaga ng P 1.207 bilyon sa Department of Transportation and Communication para sa rehabilitation at capacity extension ng Metro Rail Transit 3.
Ayon kay Budget Secretary Florencio "Butch" Abad, ang rehabilitasyon ng MRT – 3 ay matagal ng pinag-aralan sa hirap na dinaranas ng mga sumasakay. Malayo ang mararating ng pondong inilabas upang madagdagan ang kapasidad nito at mapaganda ang kalagayan ng mga sumasakay.
Saklaw ng halaga ang rehabilitasyon at capacity extension. Papalitan din ang signaling system at rehabilitasyon ng mga escalator at elevator sa mga himpilan.
Mapapagaan na rin ang daloy ng trapiko sapagkat mas marami na ang makakasakay sa mass transport facility, dagdag pa ni Secretary Abad. Bahagi ito ng P 22.47 bilyon Supplemental Budget na ipinasa noong nakaraang taon.