|
||||||||
|
||
NABABAHALA ang ilang mga dalubhasa sa counter-terrorism sa ASEAN na lumawak ang impluwensya ng ISIS sa mga Filipinong Muslim kung walang gagawin ang pamahalaan upang masugpo ang pagkalat ng radicalisation at extremism.
Sa kanyang talumpati sa isang pagpupulong na itinaguyod ng Philippine Council on Islam and democracy at UP College of Law, sinabi ni Ahmad Hashim, military studies program head ng S. Rajaratnam School of International Studies, na lumalago ang bilang ng mga Muslim sa Mindanao at ilang mga bansa sa Timog Silangang Asia na unti-unting naniniwala sa mga pananaw ng ISIS. Malaki ang posibilidad na maging pugad ng mga radikal dahilan sa nagaganap na pag-aaklas.
Gumugol na ang mga Muslim sa Mindanao ng higit sa 30 taon na pakikibaka sa pamahalaan. Libu-libo na ang nasawi at nasugatan. Masusugpo ito sa pagpapasa ng batas na magbibigay sa mga nag-aaklas ng kanilang autonomiya, dagdag pa ni G. Hashim.
Sa panig ni dating ASEAN Secretary General Ong Keng Yong, tunay ang peligro ng ISIS sa Pilipinas at maaaring madama sa kapayapaan at katatagan ng timog silangang Asia. Marapat lamang na bumuo ng action plan ang ASEAN at ang Pilipinas upang masugpo ang lalaking panganib.
Kailangang may kombinasyon ng military at non-military actions. Ang ISIS, ayon kay Yong ay hindi tulad ng Al Qaeda at nakasandig ito sa mga problemang kinakaharap ng mga Muslim sa mga komunidad.
Nahaharap sa iba't ibang pag-aaklas ang mga bansang Pilipinas, Indonesia at Myanmar.
Para naman kay retiradong General Ben Dolorfino, dating pinuno ng Western Mindanao Command, marapat na gawin ang pulong sa Pilpinas sapagkat na sa Mindanao ang mga Moro rebel group at pinagkakanlungan din ng mga tanyag na mga terorista.
Naniniwala naman si Dr. Amina Rasul Bernardo na dapat makipagtulungan ang Pilipinas sa iba pang mga pamahalaan sa pagbuo ng mga programa at estratehiya upang masugpo ang radikalismo na nag-uugat sa mga 'di pagkakaunawaan ng magkakabilang-panig.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |