|
||||||||
|
||
MAY likas na responsibilidad ang mga pamahalaan at mga mamamayan sa mga lumilikas mula sa kanilang mga magugulong bansa.
Ito ang sinabi ni Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa isang pahayag na inilabas ngayon.
Ipinaliwanag ng arsobispo na ilang dekada na ang nakalilipas, dinaluhan ng Pilipinas ang libu-libong mga lumikas mula sa Vietnam. Nakarating ang mga Vietnamese nationals sa iba't ibang bansa at nagtagumpay sa kanilang buhay. May isang naging dekano ng Theology sa isa sa mga pamantasan ng Santo Papa sa Roma.
Ipinagpapasalamat sa Diyos ang magandang bahagi ng Kasaysayan ng bansa at marami sa mga pari at mga relihiyoso ang nakapaglingkod sa Vietnamese boat people.
Muli na namang dumadagsa ang mga refugee sakay ng mga mumunting bangka patungo sa mga baybay-dagat ng mga bansang nasa ASEAN. Marami na umano ang mga nasawi sa pagtatangkang magtamo ng bagong buhay. May makararating sa baybay-dagat ng Pilipinas na pagod, gutom at desperado at dala ang mga labi ng kanilang mga anak na pumanaw sa paglalakbay.
Ani Arsobispo Villegas, nakalulungkot na ilang bansa ang nagtataboy ng mga refugee at tinatanggihang bigyan ng kahit panandaliang ginhawa. Ang mga bansang ito ay nag-uunahang dalawin ng mga turista, dagdag pa niya. May mga pagkakataong inilalayo ng coast guard at naval patrol ang mga sinasakyan ng refugees na puno ng mga gutom, maysakit at walang patutunguhang mga mamamayan. Dinadala silang pabalik sa kalagitnaan ng karagatan at hinahayaang manganib at mamatay.
Binigyang-diin ni Arsobispo Villegas na ang sinumang taong nanganganib ay may karapatang ipagtanggol at ipagsanggalang. Binabanggit sa buod ng aral ng Simbahan ayon sa "Cor Unum" na kailangang magkaroon ng katanggap-tanggap na pagkilala sa tinaguriang territorial asylum.
Kahit pa walang obligasyong legal ang Republika ng Pilipinas at iba pang mga bansang magbigay ng kanlungan sa bawat refuggee o nawalan ng tahanang mamamayan, may obligasyong moral na ipagtanggol at ipagsanggalan sila sa panganib na kanilang nilayuan. Mayroong obligasyong-legal na huwag silang ibalik sa kanilang pinagmulan at pabayaang nanganganib sa karagatan.
Pinasalamatan niya ang pamahalaan sa pagiging bukas sa mga refuggee kasabay ng panawagan sa mga kalapit-bansa sa rehiyon, na mabigyan ng tulong at kailangan upang mabuhay. Kahit pa may kakapusan ang bansa upang tanggapin ang bawat refugee, laging may pook na mapapagpahingahan bago sila magpatuloy sa kanilang paglalakbay.
Hindi lamang nabantog ang Pilipinas sa magagandang mga tanawin. Nakilala rin ang bansa sa buong daigdig sa mainit na pagtanggap sa mga nangangailangan tulad ng mga naganap noong mga nakalipas na dekada, dagdag pa ni Arsobispo Villegas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |