NAKALUSOT sa House Ad Hoc Committee on the Bangsamoro Basic Law kanina ang panukalang batas sa pagbuo ng political entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nagkaroon ng botohang 48 laban sa 18 at isa ang tumangging bumoto kaya nakapasa ang panukalang batas para sa Bangsamoro Autonomous Region matapos ang dalawang araw na matagalang pagdinig. Bumoto ang mga kasapi ng komite sa bawat probisyon ng panukalang batas.
Si Congressman Rufus Rodriguez ang naglabas ng desisyon ng komite kanina.
Pag-uusapan pa ito ng pinagsanib na komite ng appropriations at ways and means na mag-aayos ng nilalaman ng panukalang batas.
Darating ito sa plenaryo sa Martes o Miyerkoles. Ito ang isa sa mga parayoridad ni Pangulong Aquino sa kanyang administrasyon. Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ito ng parliamentary form na pamumunuan ng chief minister.