Ipinalabas kamakailan ng People's Daily ang isang komentaryo hinggil sa komong tadhana ng sangkatauhan, konsepto at kaisipang iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina noong 2013 sa kanyang talumpati sa Moscow, Rusya. Sapul noon, animnapu't dalawang (62) beses nang inulit ni Pangulong Xi ang kaisipang ito sa magkakahiwalay na okasyon.
Anang komentaryo, iniharap ni Pangulong Xi ang nasabing konsepto bilang panawagan sa iba't ibang miyembro ng komunidad ng daigdig na magkakasamang magsikap para sa isang mas magandang kinabukasan ng sangkatauhan.
Ipinagdiinan ng komentaryo na ang kaisipang ito ay nagtatampok sa pagtutulungan, mas pantay at balanseng partnership na pangkaunlaran, magkakasamang pagsasabalikat ng mga tungkulin at magkakasamang pagharap sa mga hamon at kahirapan.
Anito pa, ang Tsina ay hindi lang nagharap ng mga bagong ideya na gaya ng kaisipang komong tadhana ng sangkatauhan para mapasulong ang komong pag-unlad ng mundo, aktibo rin ito sa pagsasakatuparan ng mas magandang kinabukasan ng sangkatauhan, bilang isang responsableng bansa. Halimbawa, nakapiling ng Tsina ang mga bansang Aprikano sa pakikibaka laban sa epidemiya ng Ebola. Sa kaligaligan ng Yemen, halos 300 dayuhan ang inilikas ng Tsina mula sa nasabing bansa. Upang mapasulong ang komong kasaganaan, iniharap din ng Tsina ang proposal hinggil sa pagtatatag ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road, o Belt and Road Initiative. Mahigit 4.4 bilyong tao mula sa 60 bansa ang inaasahang makikinabang dito. Aktibo rin ang Tsina para malutas ang mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Bilang panapos, sinabi ng komentaryo na nagsisikap ang Tsina, kasama ang iba't ibang bansa, para maitatag ang komong tadhana na nagtatampok sa komong kasaganaan.
Salin: Lele/Jade