IPINAGKALOOB ni U. S. Ambassador to the Philippines Philip Goldberg kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang isang tsekeng nagkakahalaga ng US$ 1,384,940.28 na nakapangalan sa Republika ng Pilipinas. Ang tseke ay mula sa sinasabing nakulimbat ni dating Armed Forces of the Philippines comptroller Carlos F. Garcia.
Kasunod ng simplemeng seremonya, sinabi ni Ambassador Goldberg na ang paglaban sa katiwalian ay isang malaking hamong hinaharap ng iba't ibang bansa at kinabibilangan na ng Estados Unidos. Ang pagharap sa hamon ay mahalaga upang matiyak ang pagtitiwala ng madla sa katapatan at integridad ng mga naglilingkod sa pamahalaan.
Pinuri ni Ambassador Glodberg si Ombudsman Carpio-Morales sa kanyang pagsisiyasat at paglilitis ng mga usaping may bahid ng katiwalian. Nalulugod ang Estados Unidos na tumulong kay Ombudsman Morales at sa kanyang tanggapan. Tiniyak din ni Ambassador Goldberg ang suporta sa oras na kailanganin.
Nagtulungan ang mga imbestigador ng Pilipinas at Estados Unidos upang mabatid ang ginawang money laundering ni General Garcia. Malaking bahagi nito ang nakarating sa America. Nakita ng mga tauhan ng Department of Homeland Security ang pinatunguhan ng salapi at ng condominium sa Trump Tower, New York City.
Pinamunuan ng US Attorney General's Office para sa Southern District of New York ang isang civil forfeiture proceedings laban sa mga ari-arian at nagkaroon din ng ng bentahan ng condominium at naibigay na ang dalawang Citibank accounts sa Pilipinas.