|
||||||||
|
||
HINILING ni Vice President Jejomar C. Binay sa Department of Foreign Affairs na patuloy na tulungan sa paraang legal ang manggawang inakusahan ng pang-eespiya sa Qatar kahit pa binawasan na ang hatol mula sa kamatayan tungo sa life imprisonment at sa dalawang iba pa na hinatulan ng 15 taong pagkakabilanggo.
Ani Pangalawang Pangulong Binay, kailangan pa ng legal assistance ng mga manggagawa kahit pa binawasan na ang kanilang parusa. Bagaman, magandang balita na rin ito sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.
Ayon kay G. Binay na presidential adviser on OFW concerns, hindi nararapat tumigil ang pamahalaan hanggang hindi nakakalaya ang mga napipiit.
Hinatulan ang mga Filipino dahil umano sa pang-eespiya at pagbibigay ng impormasyon sa intelligence officials sa Pilipinas hinggil sa mga sandata ng Qatar, tulad ng kanilang mga eroplano, mga sandata at maintenance at servicing records. Kabilang din si kanilang pinakialaman ay ang mga pangalan, ranggo at contact numbers ng mga opisyal sa Qatar. Tumanggi ang Pilipinas sa akusasyong nag-eespiya ang bansa sa Qatar.
Anim na Filipino ang nadakip kasama ng tatlong nahatulan subalit sila'y pinawalang-sala at pinauwi na sa Pilipinas. Isa sa mga pinawalang-sala ang nagsabing sila ay biktima ng torture.
Umaasa si G. Binay na ang mga alegasyon ng torture upang makuha ang pag-amin ng mga akusado ay masiyasat ng mga hukuman sa Qatar.
Mahalaga ang akusasyong ito kaya't hiniling ni G. Binay na siyasatin ng Qatari government ang detalyes nito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |