Kaugnay ng nilalaman ng deklarasyon ng katatapos na G7 Summit na may kinalaman sa isyu ng South China Sea at East China Sea, ipinahayag kahapon ni Hong Lei, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na hinimok ng kanyang bansa ang G7 na igalang ang katotohanan at itigil ang mga di-responsibleng pananalita.
Ayon sa naturang deklarasyon, lubos na ikinababahala ng G7 ang tensyon sa East China Sea at South China Sea. Hiniling nito sa iba't ibang may kinalamang panig na mapayapang lutasin ang mga hidwaan at igarantiya ang malayang paglalayag. Tinutulan din ng G7 ang anumang unilateral na aksyon para baguhin ang kasalukuyang kalagayan.
Sinabi ni Hong na ang Diaoyu Islands at Nansha Islands ay nabibilang sa teritoryo ng Tsina. Aniya pa, palagiang iginagalang ng Tsina ang kalayaan ng paglalayag at paglipad sa naturang rehiyon.
Inulit din ni Hong na buong sikap na lulutasin ng Tsina ang naturang mga hidwaan sa pamamagitan ng talastasan para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.