LUMAKI ang salaping ipinadala ng mga manggagawa mula sa iba't ibang bansa noong nakalipas na Abril. Ito ang ibinalita ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa kanilang pahayag na inilabas kaninang hapon.
Lumago ito ng 4.9% kung ihahambing sa remittances noong Abril 2014. Umabot ang personal remittances sa halagang US$ 2.2 bilyon. Ang personal remittances sa unang apat na buwan ng 2015 ay umabot na sa US$ 8.6 bilyon at mas mataas ng 5.1% sa naitalang panahon noong 2014.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco, Jr. ang 74% ng remittances ay mula sa land-based workers na may mga kontratant isang taon o higit pa na nagkakahalaga ng US$ 6.4 bilyon. May 24% ng personal remittances ay mula sa sea-based and land-based workers na may mga kontratang walang isang taon (US$ 2.1 bilyon) samantalang halos 2% naman ay household-to-household transfers tulad ng mga migranteng Filipino na nagpapadala ng salapi sa mga kamag-anak sa Pilipinas na umabot sa US$ 200 milyon.
Nagmula ang kalakhan ng halaga sa Estados Unidos, Saudi Arabia, United Arab Emirates, United Kingdom, Singapore, Japan, Hong Kong at Canada.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration, umabot sa 310,727 job orders ang pumasa sa kanilang tanggapan mula Enero hanggang Abril ng 2015. Mayroong 33.8% ay para sa mga service, production at professional, technical at related workers sa Saudi Arabia, Kuwait, Qatar, Taiwan at United Arab Emirates.