JAKARTA—Ipinahayag kamakailan ni Bambang Brodjonegoro, Ministro ng Pinansya ng Indonesia na tatlong (3) trilyong Rupiah (300 milyong US dollar) ang ibubuhos ng kanyang bansa sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) bilang unang hulog sa susunod na taon.
Ipinahayag niya ang pag-asa ng Indonesia na sa pamamagitan ng AIIB, makukuha ng bansa ang mas maraming utang na mababa ang interest rate para mapasulong ang imprastruktura na may kinalaman sa enerhiya, transportasyon, telekomunikasyon, agrikultura, kanayunan, paglilinis ng tubig, lohistika at iba pa.
Limampu't pitong (57) kasaping tagapagtatag ng AIIB ang lumagda ngayong araw sa mga Artikulo ng Kasunduan (Articles of Agreement), upang isaoperasyon ang Bangko sa katapusan ng taong ito.
Kumpara sa mga katulad na inter-governmental institusyon, mas simple ang kayarian ng AIIB, at bukas din ito sa anumang bansa na hindi pa kasapi. Ang AIIB ay nagbibigay rin sa mga umuunlad na bansa ng mas malaking karapatan sa pagsasalita.
Salin: Jade