|
||||||||
|
||
RED TAPE SA FDA KINONDENA. Sa tagal ng pagpoproseso ng Food and Drug Administration ng mga papeles ng mga mangangalakal, nabibitin ang kanilang kapital. Ito ang hinaing ni G. Bobby Reynera, isang mangangalakal na mayroong bottled water processing facility sa loob ng Zamboanga Economic Zone. Makikita si G. Reynera sa kanyang planta na may makinaryang binili sa Tsina. (Melo M. Acuna)
ISANG malaking balakid sa mga mangangalakal ang pagka-antala ng kanilang mga papeles na dumadaan sa Food and Drug Administration.
Ito ang idinaing ni Bobby Reynera, isang mangangalakal na nagtayo ng bottled drinking water processing plant sa loob ng Zamboanga Economic Zone.
Sinimulan ni G. Reynera ang kanyang proyekto noong nakalipas na buwan ng Pebrero 2014 at nakapaglabas na ng may sampung milyong piso (P10 milyon).
Bilang pagtugon sa alituntunin ng pamahalaan nag-apply siya para sa kanyang License to Operate sa Food and Drug Administration sa Region IX-Zamboanga City. Hindi umano madalaw ang kanyang itinatayong planta sa kakulangan ng mga tauhan at lubhang abala sa kanilang mga gawain.
Ayon mismo sa FDA, hindi kailangang magtagal ang papeles sa kanilang tanggapan subalit iba ang nagaganap. Matapos matanggap ang kanyang License to Operate, panibagong kalbaryo na naman ang proseso sa Product Registration.
Ani G. Reynera, matapos ang evaluation na nagtatagal, kailangan pang dumaan sa "re-checking". Kung nabawasan na ang "red tape" sa ilalim ng Pamahalaang Aquino, hindi umano nawala at lumala pa ang "red tape" sa Food and Drug Administration na nasa ilalim ng Department of Health.
Idinagdag pa ni G. Reynera na hindi maliit na salapi ang nabibimbin sa hindi paglabas ng kanyang papeles mula sa FDA.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |