NAILIGTAS ng Philippine Coast Guard at pulisya sa Currimao, Ilocos Norte, ang lima kataong crew ng isang bangkang pangisdang Tsino matapos itong sumadsad may 150 metro mula sa daungan ng bayan sa Barangay Kadilian kaninang umaga.
Ayon sa mga balitang lumabas sa media, sinabi ni Petty Officer 2 Noel Palencia ng Philippine Coast Guard, isa sa limang nailigtas ang nasugatan at isinugod sa health center ng bayan. Hindi kaagad nakilala ang mga mangingisda.
Patungo umano ang bangkang pangisda sa Vietnam noong Biyernes ng gabi ng masabat ang malalaking alon samantalang nasa karagatan ng Ilocos Norte. Nanatili sa Ilocos Norte ang bangka hanggang kaninang umaga ng bayuhin ng malalaking alon.
Sumadsad ang bangka at kailangang hilahin upang madala sa mas malalim na bahagi ng karagatan. Nakataas pa ang Public Storm Signal No. 2 sa Ilocos Norte sa pagdaan ng bagyong si "Egay" sa lalawigan.