|
||||||||
|
||
UMALIS na ang may 135 kataong mula sa Armed Forces of the Philippines na nagmula sa Philippine Air Force upang maglingkod bilang United Nations peacekeepers sa Haiti na apektado ng malakas na lindol noong 2010.
Ayon sa pahayag ng AFP Peacekeeping Operations Center, ang 19th Philippine Contingent of Peacekeepers ang inaasahang makakasama ng mga biktima na nawalan ng tahanan at mga napagitna sa ilang taong mga sagupaan sa bansa.
Ang mga kawal sa ilalim ni Colonel Vincent B. Incognito ang magsasagawa ng community outreach programs para sa mga mamamayan ng Haiti.
BINATI NI GENERAL BONAFOS ANG MGA KAWAL NA PATUNGONG HAITI. Naging panauhing tagapagsalita si Lt. Genera; John S. Bonafos, Vice Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines sa send-off ceremonies para sa 135 kawal na kabilang sa 19th Philippine Contingent of Peacekeepers. Nanawagan si General Bonafos sa mga kawal na pag-ibayuhin ang pagtulong sa mga nasalanta ng lindol noong 2010 at mga biktima ng kaguluhan sa Haiti. (AFP PIO Photo)
Namuno sa send-off ceremonies si Lt. General John S. Bonafos, Vice Chief of Staff sa seremonyang idinaos kahapon sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City.
Piling-pili ang mga kawal na ipinadala sa Haiti matapos pumasa sa mga pagsubok ng kanilang pag-iisip at pangangatawan. Sumailalim din sila sa 45 araw hanggang dalawang buwang paghahanda para sa kanilang mga gawain.
PAGLAHOK SA PEACEKEEPING FORCE MAHALAGA. Ito ang sinabi ni Lt. General John S. Bonafos sa mga opisyal at kawal na maglilingkod ng isang taon sa Haiti. Makikita sa larawang nakikipag-usap si General Bonafos sa isa sa mga babaing opisyal ng Philippine Air Force na umalis ng Pilipinas kahapon. (AFP PIO Photo)
May sampung alternates na nagsanay kasama ng koponan at handang ipadala sa Haiti sa oras na magkaroon ng pangangailangan. Kung hindi sila maipadadala ngayong taon, magiging bahagi sila ng koponang ipadadala sa susunod na taon.
Mananatili sa Haiti ang 19th Philippine Contingent of Peacekeepers sa susunod na isang taon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |