SA pagpapatuloy ng panawagan ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga kababayang nasa magugulong bansa, nakauwi ang may 28 Filipino mula sa Syria sa ilalim ng Mandatory Repatriation Program. Nagtulungan ang mga Embahada ng Pilipinas sa Damascus at Beirut upang maganap ito.
Dumating sila kaninang alas onse ng umaga sakay ng Gulf Air Flight GF 1540 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Naninirahan ang mga Filipino sa Damascus, Aleppo, Hama, Lattakia at Tartous bago nagdesisyong umuwi na at gamitin ang MRP. Nanirahan silang pansamantala sa Halfway Quarters sa Damascus.
Naglakbay ang mga manggagawa kasama ang mga tauhan ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus patungo sa Masna'a Border kahapon. Tinulungan naman sila ng mga tauhan ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut. Sumailalim sila sa medical check-up at pre-departure briefing bago sumakay ng eroplano pabalik sa Maynila.
Umabot na sa 5,671 mga Filipino ang nakauwi sa Pilipinas mula ng magkagulo noong 2011. May 2,625 ang nakauwi sa pamamagitan ng pagdaan sa Lebanon.