Isinahimpapawid kahapon sa pamamagitan ng radyo ang talumpati ni Pangulong Thein Sein ng Myanmar, hinggil sa pambansang halalan na idaraos sa ika-8 ng darating na Nobyembre. Magsisikap aniya siya para idaos ang isang malinis, malaya, at makatarungang halalan.
Inulit ni Thein Sein na ang paglahok sa halalan ay tumpak at pragmatikong landas para sa iba't ibang partido ng Myanmar. Umaasa siyang magkakaroon ng pangmalayuang pananaw ang mga lider ng iba't ibang partido, para magbigay-ambag sa katatagang pulitikal ng bansa.
Batay sa Konstitusyon ng Myanmar, mahahalal sa naturang pambansang halalan ang mga mambabatas ng parliamento sa iba't ibang antas. Pagkatapos nito, bubuuin sa unang dako ng susunod na taon ang bagong Pederal na Parliamento, para ihalal ang pangulo at pangalawang pangulo ng estado, at buuin ang bagong pamahalaan.
Salin: Liu Kai