UFA, Rusya-Binuksan kahapon ang dalawang-araw na Ika-7 BRICS Summit. Kalahok dito ang mga lider ng Brazil, Rusya, Indya, Tsina at Timog Aprika. Ang tema ng summit na ito ay may kinalaman sa partnership ng BRICS. Ayon sa mga kalahok na lider, nakahanda silang itatag ang mas mahigpit na partnership.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang paniniwala sa malaking potensyal ng mga kasapi ng BRICS sa pag-unlad. Ipinagdiinan ni Pangulong Xi na kailangang pahigpitin ng mga miyembro ng BRICS ang kanilang partnership na nagtatampok sa pangangalaga sa kapayapaang pandaigdig, magkakasamang pag-unlad, pagpapasulong ng iba't ibang kultura, at pagpapalakas ng pangangasiwa sa kabuhayang pandaigdig. upang maisakatuparan ang nasabing mga target, iminungkahi ng pangulong Tsino na patingkarin ng mga kasaping bansa ng BRICS ang kanilang bentahe at potensyal, at isagawa ang pagtutulungang pang-inobasyon.
Sinabi naman ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya na ang kapasiyahan ng BRICS na itatag ang New Development Bank (NDB), at Contingent Reserve Arrangement (CRA) ay isa sa mahahalagang hakbangin para mapalalim ang pagtutulungan ng mga kasaping bansa. Sinang-ayunan naman ito Pangulong Dilma Rousseff ng Brazil.
Ayon kay Pangulong Jacob Zuma ng Timog Aprika, kinakaharap ngayon ng komunidad ng daigdig ang dumaraming hamon. Dahil dito, kailangang mapalakas ng mga kasapi ng BRICS ang kanilang pagtutulungan sa ilalim ng balangkas ng United Nations at mga organisasyong panrehiyon.
Ipinahayag naman ni Punong Ministro Narendra Modi ng India na mabunga ang pagtutulungan ng mga miyembro ng BRICS, at kung maaari nilang palawakin ang pagkakasundo at palakasin ang kooperasyon, titingkad pa ang papel ng BRICS sa pagtugon sa mga hamong panrehiyon at pandaigdig.
Nilagdaan ng mga lider ang BRICS Economic Partnership Strategy na naglalayong i-ugnay ang estratehiyang pangkaunlaran ng iba't ibang kasapi para maisakatuparan ang magkakasamang pag-unlad.
Salin: Jade