Sa International Ebola Recovery Conference na idinaos kahapon, local time, sa punong himpilan ng United Nations (UN) sa New York, ipinatalastas ni Liu Jieyi, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na magkakaloob ang pamahalaang Tsino ng 5 milyong dolyares na karagdagang abuloy sa UN Ebola Response Multi-Partner Trust Fund.
Ani Liu, sa susunod na yugto, aktibong kakatigan at lalahukan ng panig Tsino ang konstruksyon ng sistema ng pagpigil at pagkontrol sa mga sakit at konstruksyon ng imprastrukturang medikal at pangkalusugan ng Aprika. Tutulungan din aniya ng Tsina ang mga bansang Aprikano na itatag ang kompletong sistema ng kalusugang pampubliko, at pataasin ang kakayahan sa pagharap sa mga pangkagipitang pangyayari ng kalusugang pampubliko.
Pagkaraang sumiklab ang epidemiya ng Ebola sa Kanlurang Aprika noong taong 2014, ipinagkaloob ng Tsina ang apat na round ng tulong na nagkakahalaga ng mahigit 120 milyong dolyares sa mga apektadong rehiyon ng epidemiya at 13 bansa sa paligid, at ipinadala ang mahigit 1200 doktor at nars. Ito ang pinakamalawakang aksyon ng pagbibigay ng tulong na pangkalusugan sa labas sapul nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina noong 1949, dagdag pa ni Liu.
Salin: Vera