Ayon sa estadistikang ipinalabas kamakailan ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, noong unang hati ng taong ito, umabot sa 68.41 bilyong Dolyares ang Foreign Direct Investment (FDI) sa Tsina, at ang halagang ito ay lumaki ng 8% kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon.
Kaugnay nito, isinalaysay ni Wang Shouwen, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, na noong unang hati ng taong ito, 63% ng FDI sa Tsina ay pumunta sa sektor ng serbisyo, at ang proporsiyong ito ay lumaki ng 23%. Ani Wang, ito ay isang positibong pagbabago sa estruktura ng FDI ng Tsina, kasunod ng ibayo pang pagpapalawak ng bansa ng pagbubukas sa sektor ng serbisyo.
Dagdag pa ni Wang, sa kasalukuyan, ang pagbili ng mga transnasyonal na kompanya ng mga kompanyang Tsino ay nagiging pangunahing paraan ng pagpasok ng dayuhang puhunan sa Tsina. Ito aniya ay angkop sa kaugaliang pandaigdig, at makakabuti rin sa pagpapataas ng lebel ng teknolohiya at pangangasiwa ng mga kompanyang Tsino.
Salin: Liu Kai