Ipinahayag kahapon ng Pambansang Kawanihang Pandagat ng Tsina na binabalangkas nito ang limang taong plano para pataasin ang kakayahan nito sa pagkakaloob ng serbisyong pampubliko sa South China Sea.
Ayon sa pahayag na inilabas sa website ng naturang departamento, pahihigpitin nito ang pangangalaga sa kapaligiran ng Nansha Islands at karagatan sa paligid nito, at pagmomonitor sa kapaligirang ekolohikal doon.
Bukod dito, binabalak din ng pamahalaang Tsino na itatag ang mga base roon upang magkaloob ng mga serbisyo para sa mga dumadaang bapor, at pangangalaga sa seguridad na pandagat at makataong tulong sa dagat.
Pasusulungin din ng Tsina ang kooperasyon sa mga karatig na bansa sa South China Sea para isagawa ang pananaliksik at paggamit ng renewable energy sa dagat.
Binigyang-diin ng Pambansang Kawanihang Pandagat ng Tsina na ang pagpapahigpit ng kooperasyong panrehiyon at pagkakaloob ng mga serbisyong pampubliko ay batay sa mga responsibilidad at obligasyon ng Tsina na itinakda sa United Nations Convention on the Law of the Sea, Convention on Biological Diversity, at International Convention on Maritime Search and Rescue.