Sa mas malawak na talastasang idinaos sa Geneva ng World Trade Organization (WTO) hinggil sa Information Technology Agreement (ITA), narating kahapon ng mga kalahok na panig ang kasunduan na sa loob ng darating na tatlong taon, unti-unting isagawa ang "serong taripa" sa 201 aytem ng mga IT product na gaya ng new-generation semiconductor, global positioning system, at iba pa.
Itinuturing ni Roberto Azevedo, Pangkalahatang Direktor ng WTO, ang kasunduang ito na pinakamahalagang kasunduan sa "serong taripa" sa loob ng nakalipas na 18 taon. Dahil aniya, aabot sa 1.3 trilyong Dolyares ang taunang halaga ng kalakalan ng mga produktong nakalakip sa kasunduan.
Sinabi rin niyang batay sa prinsipyong "most favoured nation" ng WTO, sasaklaw ang naturang kasunduan sa lahat ng mga kasapi ng WTO, kalahok man o hindi sa kasalukuyang talastasan.
Salin: Liu Kai