DINALA na ni Budget and Management Secretary Florencio Abad ang panukalang budget na nagkakahalaga ng P 3.002 trilyon sa Kongreso sa kautusan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Ito umano ang magpapalawak ng mga programang magpapasigla sa ekonomiya at magpapatatag sa pamamalakad sa pamahalaan sa susunod na limang taon.
Ang panukalang budget ay doble ng budget sa nakalipas na anim na taon mula sa P1.5 trilyon noong 2010 hanggang P3.02 trilyon na binalak para sa susunod na taon.
Mas mataas ito ng 15.2% kaysa ipinatutupad na 2015 national budget. Sa kabilang dako, ang GDP share na 19.5% sa 2016 ang magiging bahagi ng ekonomiya kaysa 18.7% ng GDP noong 2015 at 16.4% ng GDP noong 2010.
Sa pamamagitan ng panukalang budget, magkakaroon ng tunay na malawakang kaunlaran at ang spending blueprint ay makakasama sa programang Daang Matuwid. Ayon kay Secretary Abad, napapalawak ang mararating ng mga benepisyong dala ng economic development.