SENATE PRESIDENT DRILON, NAGHAHANAP NG KAPALIT NI SENADOR ESCUDERO. Sinabi ni Senate President Franklin M. Drilon na kakausapin niya ang koalisyon sa senado upang maghanap ng magiging kapalit ng nagbitiw na si Senador Francis Escudero sa pagiging Chairman ng Senate Committee on Finance at Co-Chair ng Congressional Oversight Committee on Public Expenditures. Umalis si Escudero upang maibsan ang intriga sa politika sapagkat nabalitang tatakbo siyang bise presidente sa susunod na taon. (SENATE PRIB PHOTO)
MAKIKIPAG-USAP si Senate President Franklin M. Drilon sa kanyang mga kapwa senador matapos magbitiw si Senador Francis Escudero bilang chairman ng Senate Finance Committee upang hindi madawit ang panukalang budget para sa taong 2016 sa anumang kulay-politika. Pinapurihan ni G. Drilon si Escudero sa desisyon niyong magbitiw sa napipintong pagtakbo nito sa mas mataaas na posisyon sa susunod na taon.
Ani Senate President Drilon, politika na ang usap-usapan at ang pagbibitiw ni Senador Escudero ay isang magandang desisyon upang maipagsanggalang niya ang kanyang sarili sa anumang akusasyon na pinupolitika lamang niya ang mga gagawing pagtatanong hinggil sa budget. Mapatutunayan pa niyang walang anumang koneksyon ang kanyang panunungkulan bilang chairman ng finance committee sa paglikom ng anumang pondo para sa kanyang kandidatura.
Idinagdag pa ni Senate President Drilon na makkikipag-usap siya sa majority coalition upang maghanap ng kanyang (Escudero) makakapalit.
Nagbitiw din si Senador Escudero sa pagiging co-chairman ng Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures.