Bilang host city ng 2022 Winter Olympics, nagdaos ngayong gabi sa Kuala Lumpur, Malaysia, ng magkasanib na news briefing ang Beijing, kasama ng International Olympic Committee (IOC).
Sa news briefing, binati ni Pangulong Thomas Bach ng IOC ang Beijing sa tagumpay sa pagbi-bid para sa 2022 Winter Olympics.
Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Wang Anshun, Alkalde ng Beijing, na tutupdin ng kanyang lunsod ang lahat ng mga pangakong ginawa sa panahon ng pagbi-bid, para itaguyod ang isang kahanga-hanga, kagila-gilalas, at napakahusay na Winter Olympics. Isiniwalat din ni Wang na idaraos ang naturang Olimpiyada sa panahon ng Spring Festival, pinakamahalagang tradisyonal na kapistahan ng Tsina, at inanyayahan niya ang mga kaibigan ng buong daigdig na pumunta sa Beijing sa panahong iyon, para mag-enjoy ng naturang kapistahan at manood ng Winter Olympics.
Salin: Liu Kai