Nay Pyi Taw—Nagkasundo kamakailan ang Myanmar at Thailand na panumbalikin ang magkasamang pagtatatag ng Dawei Special Economic Zone sa dakong timog ng Myanmar.
Sumang-ayon ang dalawang panig na matatapos ang konstruksyon ng nasabing Economic Zone sa pamamagitan ng dalawang yugto. Sa unang yugto na tinatayang tatagal ng 8 taon, ibubuhos ang puhunang dayuhan sa nasabing Sona at 300,000 trabaho ang inaasahang malilikha. Sa pangalawang yugto, mas maraming imprastruktura na gaya ng daungan, at expressway na mag-uugnay ng Sona at Thailand ang itatayo.
Nilagdaan ng Thailand at Myanmar ang kasunduan hinggil sa magkasanib na pagtatatag ng Dawei Special Economic Zone noong 2011. Pero, dahil sa kaligaligan ng kalagayan ng Thailand, hindi naituloy ang proyekto.
Salin: Jade