Idinaos kahapon sa Beijing ang Estratehikong Diyalogo ng Tsina at Britanya na magkasamang pinanguluhan nina Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina at Philip Hammond, Ministrong Panlabas ng Britanya. Ito ay para sa gagawing pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Britanya sa susunod na Oktubre.
Nitong ilang taong nakalipas, nananatiling mainam ang pagtutulungan ng Tsina at Britanya sa ibat-ibang larangang kinabibilangan ng kabuhayan, kalakalan, suliraning panrehiyon at pandaigdig, people-to-people exchanges, at iba pa. Noong 2014, lumampas sa 80 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng Tsina at Britanya, at naging pangalawang pinakamalaking trade partner ng Tsina ang Britanya sa mga bansa ng Unyong Europeo.
Bilang dalawa sa limang pirmihang kagawad ng United Nations Security Council(UNSC), mainam ang pagtutulungan sa pagitan ng Tsina at Britanya hinggil sa mga mainit na isyung panrehiyon at pandaigdig, kabilang dito ang pagbabago ng klima, pagbibigay-dagok sa terorismo at iba pa.
Samantala, positibo ang Britanya sa pagtatatag ng Asian Infrastructure Investment Bank(AIIB), pagpapasulong ng estratehiya ng "Silk Road Economic Belt" at "Silk Road sa Karagatan sa Ika-21 Siglo," at iba pa na itinataguyod ng Tsina. Bilang unang-una sa mga bansang kanluranin, ipinatalastas noong Marso ng Britanya ang pagsapi sa AIIB.