Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pilipinas, may mahalagang papel sa kapayapaan sa Asia

(GMT+08:00) 2015-08-19 18:15:16       CRI

SINABI ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos na mahalaga ang papel ng Pilipinas sa nagaganap sa mga karagatan ng rehiyon sapagkat nasa magkabilang-panig ng kapuluan ang mayayaman at mga mangangalakal na bansa tulad ng Tsina at Estados Unidos.

Sa isang panayam na ginawa ng CBCP Online Radio/China Radio International at ng Hong Kong Satellite Television, sinabi ni G. Ramos na sa lahat ng mga umuunlad na bansa sa Timog Silangang Asia, Pilipinas ang may pinakamalapit na distansya sa mga mauunlad na bansa tulad ng Japan, Korea, Far Eastern Russia, Tsina, Estados Unidos at Canada. Mas magiging nakabuluhan ang pakikipagkalakal.

Ang papel ng Pilipinas ay ang maging mabuting kapitbahay ng mga kalapit-bansa at mapigilan ang mga 'di pagkakaunawaang posibleng mauwi sa kaguluan na maging dahilan ng World War III sapagkat mayroon ding mga maiinitin ang ulo sa magkabilang-panig.

Ito umano ang kanyang nakikitang personal na papel bilang isang "senior elderly citizen" ng Pilipinas.

Bagaman, hindi pa siya nahihilingan ng opsiyal o personal na pahayag ng pamahalaan. Ipinaliwanag niyang mahalagang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon. Nais niyang maging mabuting kalapit bansa ang Pilipinas ng America at Tsina. Ito umano ang kanyang unsolicited advice sa liderato ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.

Nakita na umano niya ang pait at sakit ng mapagitna sa mga digmaan tulad ng kanyang karanasan noong World War II bilang isang 14-na-taong na mag-aaral sa high school. Napagitna ang kanyang pamilya sa mga pambobomba ng mga eroplanong Hapones at madugong labanan ng mga guerilyang Filipino at mga Hapones sa Maynila, partikular sa Ermita, Malate at maging sa Intramuros.

Nakaranas na rin siyang mapalaban sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga Hukbalahap sa Gitnang Luzon. Naglingkod rin siya bilang kawal ng bansa sa Korean Peninsula, sa itaas ng 38th Parallel, lampas sa hanggangnan ng Timog at Hilagang Korea. Naglingkod din siya sa Vietnam bilang kasama ng Philippine Civic Action Group na abala sa medical assistance, engineering construction at iba pang ayuda sa South Vietnam na nakikidigma noon sa North Vietnam.

Sa katanungan kung ano ang angkop na description sa kanya, sinabi ni G. Ramos na siya'y isang "survivor" o taong nakaligtas sa ibayong pagsubok.

Tumagal siya ng 42 taon sa uniformed service, sa Armed Forces of the Philippines.

Nakibahagi rin ng kanyang pananaw si dating Pangulong Ramos ng kanyang pananaw hinggil sa kontrobersyal na Bangsamoro Basic Law. Ayon kay G. Ramos, naging prayoridad niya sa kanyang paglilingkod sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang pagpapanatili ng pagkakaisa ng uniformed service, kablang na ang Philippine National Police, Philippine Coast Guard hanggang sa para-military units. Mahalagang nagkakaisa ang mga ito upang mapanatili ang kapayapaan, maipatupad ang batas ng lahat upang maiwasan ang paglapastangan sa batas.

May mga kakulangan umano ang Bangsamoro Basic Law na tumingkad nang maganap ang sagupaan sa Mamasapano noong ika-25 ng Enero na ikinasawi ng 44 na sinany na tauhan ng Special Action Force.

Naiwasan sana ang madugong sagupaan kung nagkaroon ng ibayong pagsasanay ang mga kawal, pulis at maging mga gerilya ng Moro Islamic Liberation Front. Ang pagsasanay an binabanggit ni G. Ramos ay ang mga napapaloob sa kasunduan sa pag-itan ng pamahalaan at mga rebelde.

Ang pangalawang isyu ni G. Ramos sa BBL ay ang hindi pagkakasama ng mga dating grupo sa negosyasyon sa pagitan ng pamahalaan at MILF. Ipinagtataka rin ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang hindi pagkakasama sa mahahalagang stakeholders sa unang bahagi ng negosasyon, tulad ng Moro National Liberation Front at ng Organization of Islamic Cooperation na noo'y kilala na sa pangalang Organization of Islamic Conferece.

Pinuna rin ni G. Ramos ang paggamit ng katagang "decommissioning" sapagkat umabot lamang sa 100 mga sandata ang naisusuko sa pamahalaan. Naganap umano ito sapagkat hindi man lamang sila natanong sa epektibong paraan tulad ng ginawa nilang programa upang maihatid sa pamahalaan ang mga sandata ng mga rebelde.

Ani G. Ramos, wala pa marahil 100 pirasong mga sandata na isinuko sa unang decommissioning ceremonies noong isang buwan. Ang MILF at OPAPP negotiators ay maaaring nangkopya mula sa ibang bansa. Hindi naman maaalis ang pagdududa ng ibang sektor sa katapatan ng pamahalaang makamtan ang Kapayapaan.

Ang pinakamahalaga, ayon kay Pangulong Ramos ay ang re-integration sapagkat tuloy-tuloy na ang kapayapaan sa Katimugang bahagi ng Pilipinas sa oras na madama ng mga rebeldeng natugunan na ang kanilang mga mithiin.

Kinilala ng UNESCO ang peace agreement ng pamahalaan at Moro National Liberation Front kaya't sila ang naparangalan noong 1997. Nagugunita pa ni G. Ramos ang chairman ng board of judges ay si dating Secretary of State Henry Kissinger.

Hinggil sa APEC na idaraos sa bansa sa darating na Nobyembre, sinabi ni G. Ramos na makasaysayan ang pagdaraos ng pagpupulong sa Pilipinas. Nakapasok umano ang tatlong bagong kasapi ng APEC sa pagtitipon sa Subic, Zambales. Naipasok nila ang membership ng Vietnam, Russia at Peru. Nagmula sa 18 mga bansa, natamo na ang APEC ang 21 mga bansang kasapi.

Nagkaroon umano ng Manila Action Program APEC o MAPA na kinatampukan ng higit sa 1,000 mga bilateral at multi-lateral agreements sa pagpapadali ng kalakal at investment. Umaasa si G. Ramos na higit na magtatagumpay ang mga kasapi ng APEC sa pagbuo ng ASEAN bilang isang economic community.

Maraming mga kasunduan hindi lamang sa kalakal kungdi sa larangan ng edukasyon, kultura at iba pa.

Naaalala pa ni G. Ramos ang kanilang pagsasama ni Chinese leader Jiang Zemin, isang matatas magsalita ng wikang Ingles na nagtagal sa bansa ng may tatlong araw pagkatapos ng APEC Summit noong 1996.

Naghahanda umano noon si G. Jiang para sa kanyang pagdalaw sa Estados Unidos kaya't nagsama sila sa presidential yatch at umabot sa kanilang pagkakantahan ng awitin sa wikang Ingles.

Isang magandang obligasyon ng mga pangulo at diplomata na panatiliing bukas at mainit ang pakikipag-kaibigan sa kanilang mga kalapit-bansa.

Sapagkat magiging abala sina Pangulong Aquino at Pangulong Hu sa APEC kaya't hindi na marahil magkakaroon ng bilateral meetings. Kung ninanis ng Pilipinas na magawa ito, nasimulan na sana ang "groundwork" noon pa mang nakalipas na taon.

Naniniwala pa rin si dating Pangulong Ramos na nasa pinakamagandang kalagayan si Pangulong Aquino na mapa-init pang muli ang pagkakaibgain ng dalawang bansa sapagkat nagmula naman sa Tsina ang mga ninuno ni Pangulong Aquino.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>