Dadalo si Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) sa V-Day Activity at dadalaw rin siya sa Tsina mula ika-2 hanggang ika-6 ng darating na Setyembre.
Kaugnay ng gagawing paglahok ni Ban sa V-Day Ceremony ng Tsina, sinabi kahapon ng Ministring Panlabas ng Hapon na pabigla-bigla ang nasabing desisyon ni Ban, at hinimok din ng Hapon si Ban na manatiling walang pinapanigan sa pulitika.
Bilang tugon, sinabi ni Ban na sa kasalukuyan, ginugunita ng buong mundo ang ika-70 anibersaryo ng pagtatapos ng World War II (WWII). Idinagdag pa niyang lumahok din siya sa mga katulad na aktibidad na idinaos sa ibang bansa. Ipinagdiinan niyang ang kanyang paglahok sa mga aktibidad bilang paggunita sa pagtatapos ng pinakamalaking trahediya sa kasaysayan ng sangkatauhan ay para lagumin ang mga aral at makalikha ng mas magandang kinabukasan. Ito aniya ang obligasyon niya bilang pangkalahatang kalahim ng UN.
Napag-alamang sa kanyang gagawing pagdalaw sa Tsina, makikipagtagpo rin si Ban sa mga lider na Tsino para talakayin ang hinggil sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng UN, pagbabago ng klima at gaganaping UN Summit hinggil sa Sustenableng Pag-unlad.
Salin: Jade