Sa Ankara, Turkey — Idinaos mula kamakalawa hanggang kahapon ang Pulong ng mga Ministro ng Pinansya at Puno ng Bangko Sentral ng G20. Dumalo sa pulong ang delegasyong Tsino na pinamumunuan nina Zhou Xiaochuan, Puno ng People's Bank of China (PBC), at Lou Jiwei, Ministro ng Pinansya ng Tsina.
Ipinalalagay sa pulong ng mga kalahok na sa kasalukuyan, umaahon ang kabuhayan ng ilang bansa. Ngunit, ang bahagdan ng paglaki ng kabuhayan ng buong daigdig ay nananatili pa ring mas mababa kaysa pagtaya. Ipinangako nilang agarang isagawa ang mga aksyon para mapasulong ang pagtahak ng kabuhayang pandaigdig sa tumpak na landas, at lipos sila ng kompiyansa sa pagpapabilis ng pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig.
Nang isalaysay ang kasalukuyang kalagayan ng pamilihang pinansyal ng Tsina, tinukoy ni Zhou na upang maiwasan ang sistematikong panganib sa pambansang kabuhayan ng Tsina, isinasagawa ng Pamahalaang Tsino ang isang serye ng patakaran at hakbangin.
Ipinahayag naman ni Lou na ang kasalukuyang kalagayang pangkabuhayan ng bansa ay nasa loob ng pagtaya. Aniya pa, patuloy na palalalimin ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas para maigarantiya ang matatag na paglaki ng kabuhayan ng bansa.
Salin: Li Feng