|
||||||||
|
||
PAGPASLANG SA MGA KATUTUBO, DAPAT SIYASATIN. Ito ang panawagan ni Senador Teofisto Guingona III matapos ihayag na laganap ang mga pagpaslang sa mga katutubo sa Mindanao. Isang pagdinig ang gagawin sa unang araw ng Oktubre sa Tandag, Surigao del Sur na pansamantalang tinitirhan ng mga lumikas na katutubo. (SENATE PRIB Photo)
KINONDENA ni Senador Teofisto Guingona III na unti-unting nagkakawatak-watak ang mga katutubo dahil sa mga para-military forces sa buong Mindanao at hindi basgta sa Surigao del Sur lamang.
Naitala na ang mga pagpaslang sa mga katutubo sa Davao del Norte, Cotabato, Bukidnon at Surigao na magkakalayong pook sa Mindanao.
Ipinaliwanag ng mambabatas na unti-unting nababawasan ang mga katutubo at ito ay magiging isang pambansang trahedya sa oras na mawala na sila sa bansa.
Nabatid ng mambabatas ang kalagayan ng mga katutubo sa pagpapahayag ng isang menor de edad na nakaligtas sa masaker noong Agosto sa Bukidnon na may kalayuan sa Lianga, Surigao del Sur na naging pook sa madugong pagpaslang sa tatlong lider ng mga katutubo.
Anang menor de edad, naghahanda ang kanyang pamilyang mag-almusal ng mais ng bumagsak ang kanyang ama sa alingawngaw ng putok ng mga baril. Pinatay ang kanyang buong pamilya at siya lamang ang nakaligtas.
Ikinagulat ng mambabatas ang paglaganap ng mga pagpaslang sa mga katutubo at mahalagang maibalik ang kapayapaan sa kabundukan.
Magsasagawa si Senador Guingona ng on-site Senate investigation sa Tandag na piangkukutaan ng mga katutubo. Makakasama niya sina Senador Bam Aquino at Koko Pimentel.
Si Guingona ang chairman ng Senate Committee on Peace, Unification and Reconciliation at kasapi rin ng Committee on Justice.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |