Nagsagawa ng di-pormal na pag-uusap kagabi, local time, sa Washington D.C. sina dumadalaw na Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Pangulong Barack Obama ng Amerika.
Binigyang-diin ni Xi na igigiit ng Tsina ang reporma, pagbubukas sa labas, at mapayapang pag-unlad. Tinukoy din niyang positibong lalahok at magbibigay-ambag ang Tsina sa pagrereporma at pagpapabuti ng kasalukuyang sistemang pandaigdig, para ito ay maging mas makatarungan at makatwiran.
Kaugnay naman ng pagtatatag ng relasyon ng malaking bansa ng Tsina at Amerika, binigyang-diin ni Xi na dapat palakasin ng dalawang bansa ang estratehikong pagtitiwalaan sa mataas na antas, at maayos na lutasin ang mga pagkakaiba.
Ipinahayag naman ni Obama na tinatanggap ng Amerika ang mapayapang pagbangon ng Tsina, at inaasahan ang pagpapatingkad ng Tsina ng mas mahalagang papel sa daigdig. Aniya pa, dapat iwasan ng Amerika at Tsina ang hidwaan, at maayos na kontrolin ang mga pagkakaiba. Umaasa aniya siyang magiging konstruktibo at proaktibo ang kompetisyon sa pagitan ng Tsina at Amerika.
Salin: Liu Kai