Ipinahayag kamakailan ni Thit Linn Ohn, Embahador ng Myanmar sa Tsina, na ang Belt and Road Initiative na iniharap ng Tsina ay isang magandang modelo para mapasulong ang magkakasamang pag-unlad ng lahat ng mga may kinalamang bansa. Ito aniya ay ambag ng Tsina sa pagpapasulong ng kabuhayang pandaigdig. Ang Belt and Road ay pinaikling termino ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road na iniharap ng Tsina para sa komong kaunlaran.
Ipinahayag din ng sugo ng Myanmar ang pagtanggap sa pamumuhunan ng mga mangangalakal na Tsino.
Sa kasalukuyan, ang Tsina ang pinakamalaking trade partner ng Myanmar. Noong 2014, halos umabot sa 25 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng Tsina at Myanmar. Ito ay mas mataas ng 146% kumpara noong 2013. Bukod dito, ang Tsina ang siya ring pinakamalaking mamumuhunang dayuhan ng Myanmar. Noong 2014, halos umabot sa 15 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng pamumuhunan ng Tsina sa Myanmar, at ito ay katumbas ng 27.7% ng buong puhunang dayuhan sa bansa.
Tagapagsalin/Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Rhio