NADAGDAGAN ang mga nasawi dulot ni "Lando" na kilala sa international name na "Koppu" at umabot na sa 26 ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Bagaman, sa datos ng Associated Press, umabot na sa 39 samantalang sa datos ng Agence France-Presse, umabot naman sa 47 ayon sa mga pamahalaang lokal.
Hanggang kanina, sinabi ng NDRRMC na mayrong 18 sugatan. Pito sa mga nasawi ang naging biktima ng pagkalunod at pagguho ng lupa. Umabot ang pinsala sa mga ari-arian sa halagang P6.6 bilyon sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Bicol at Cordillera Administrative Region.
Ang pinsala sa pagsasaka ay umabot na sa P 6 bilyon. Naging dahilan ng malawakang pagbaha sa Luzon ang bagyo. Ilang mga bahagi nito ang nasa ilalim pa rin ng baha.
Ayon kay Mina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, tumataas pa ang baha sa Pampanga. Binalaan niya ang mga nasa evacuation centers na huwag munang umuwi sa kanilang mga barangay.
Bukas ang apat na floodgates ng San Roque Dam sa Pangasinan. Ang tubig sa San Roque ay mula sa kabundukan ng Cordillera at Binga Dam sa Benguet. Ang tubig na inilalabas ng San Roque Dam ang nakararating sa Agno River at dumadaan sa 19 na bayan at lungsod bago makarating sa Lingayen Gulf。