|
||||||||
|
||
KAILANGANG HIGIT NA SUMIGLA ANG PAG-IIMPOK SA BANGKO. Ito ang sinabi ni Nataliya Mylenko, senior financial sector specialist ng World Bank sa Maynila sa paglulunsad ng pag-aaral na pinamagatang "Enhancing Financial Capability and Inclusion in the Philippines - a Demand-sode Assessment" kanina sa kanilang tanggapan. (Melo M. Acuna)
MAYROONG 20 milyong mga Filipino ang nagsabing nakakapag-impok sila ng salapi subalit aabot lamang sa 10 milyon ang mayroong salaping nakalagak sa bangko.
Ito ang nabatid sa isang pag-aaral na ginawa ng World Bank na pinamagatang "Enhancing Financial Capability and Inclusion in the Philippines –a Demand-side Assessment," na nakabatid na anim sa bawat sampung Filipino o 59 na porsiyento ng mga mamamayan, ang nagbabalak kung paano nila gagastusin ang salaping nakakamtan sa kanilang hanapbuhay. May 57% sa mga nagbabalak kung paano gastusin ang kanilang salapi ang nagsasabing mayroon pang nalalabi matapos bayaran ang karaniwang tintustusan kung ihahambing sa 42% na walang ginagawang pagbabalak sa kanilang paggasta.
Nangangahulugan ang katagang "financial inclusion" nang kakayaan ng mga mamamayan o pamilya na magkaroon ng acccess sa bangko at iba pang formal financial services.
Ang mga hadlang na binabanggit sa pagkakaroon ng bank account ng mga Filipino ay hindi pagkakaroon ng sapat na salapi (20%), kakulangan ng pangangailangan para sa bank account (18%), kawalan ng pagtitiwala sa sistema (17%), layo ng tinitirhan sa mga bangko (16%), kawalan ng mga dokumento (10%), hindi magandang pagtrato ng mga bangko sa mga mamamayan (9%) at ang mataas na halaga ng pagbabangko (9%).
Sinabi ni Nataliya Mylenko, ang senior financial sector specialist ng World Bank na halos lahat o 98%, nang mga nakakapag-impok ay kumikita ng mas mababa sa P50,000 bawat buwan. Malaki ang oportunidad na mapalawak ang financial inclusion sa mga nasa mababa at mas mababang income groups sa Pilipinas.
Nakagugulat na sa likod ng halos US$ 25 bilyong naipadadala ng mga manggagawang Filipino mula sa ibang bansa at US$ 18.9 bilyong kita ng mga business process outsourcing, lumalabas na mas malakas gumasta ang mga Filipino. Bagaman, niliwanag ni Bb. Mylenko na wala silang gagawing pag-aaral hinggil sa mga karaniwang pinagkakagastahan ng mga pamilya ng OFWs at mga kawani ng business process outsourcing sa Pilipinas.
Nabatid rin sa pagsusuri na may 23 milyong mga Filipino ang nagsasabing nagkukulang ang kanilang salapi para sa pagkain at iba pang pangangailangan (29%) paminsan-minsan at karaniwang nagaganap sa may 26%. Kahit na sa mga mamamayang kumikita ng higit sa P50,000 isang buwan, 23% ang nagsabi na nagkukulang sila ng salapi para sa kanilang karaniwang pangangailangan. Sa mga pamilyang nagkukulang ng salapi sa kanilang panggastos, halos 94% ang nangungutang upang matugunan ang pangangailangan.
Mas madalas na nangungutang sa informal credit at saving services ang mga Filipino tulad ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Umaabot lamang sa 4% sa mga tumugon sa survey ang nagsabing nagsangla ng kagamitan, 5% lamang ang may credit card at 10% lamang ang nangutang sa pamamagitan ng formal financial institution. Kasabay nito ang higit sa ikatlong bahagi ang umasa sa informal savings at credit tulad ng mga paluwagan sa barangay at mga tanggapan.
Ang mga taong may nalalaman sa pananalapi o maituturing na "financially literate" ang nag-uulat na mayroon silang salaping nalalabi matapos makabayad ng mga basic necessity. Ang pagkakaroon ng mas mataas na financial literacy ay may relasyon sa antas ng pinag-aralan ng isang mamamayan, dagdag pa ng pagsusuri.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |