LUMABAS na ang kautusan mula sa tanggapan ng Ombudsman na ipagsakdal ang limang top ranking police officials at ilang mamamayan hinggil sa paglalabas ng lisensya para sa high-powered AK47 rifles mula Agosto ng 2011 hanggang Abril 2013.
Sa 39 na pahinang kautusan, sinabi ni Ombdusman Conchita Carpio Morales na kasuhan ng multiple counts ng paglabag sa Section 3e ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act sina Police Director Gil Meneses ng Civil Security Group, Police Director Napoleon Estilles ng Firearms and Explosives Office, P/CSupt. Raul Petrasanta, P/CSupt. Tomas Rentoy III, P/CSupt. Regino Catiis, P/SSupt. Eduardo Acierto, P/SSupt. Allan Parreno, P/Supt. Nelson Bautista, PCInsp. Ricardo Zapata, Jr., P/CInsp. Ricky Sumalde at limang iba pa.
Nahaharap din ng kaso sina Petrasanta at Estilles sa pagsangayong mabigyan ng pahintulot ang high-powered rifles. Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal sa sinumang opisyal ng pamahalaan na magbigay ng 'di kailangang benepisyo sa sinuman na hihigit sa kanilang mga tungkulin.
Nagsabwatan umano ang mga opisyal na madaliin, i-proseso at sangayunan ang kahillingan para sa firearms licenses ng Caraga Isla Security Agency, Claver Mineral Development Corporation at JTC Mineral Mining Corporation kahit pa palsipikado at 'di sapat ang mga dokumento.
Nailabas kaagad ang mga sandata kahit pa walang lagda ang diumano'y humihiling na makuha na ang mga sandata na nasa pag-iingat ng pulisya.