Sa kanyang talumpati sa bangketeng inihandog kagabi, local time, sa London ni Lord Mayor Alan Yarrow ng City of London, nanawagan si Pangulong Xi Jinping ng Tsina para sa bukas at inklusibong pakikitungo ng mga bansa sa isa't isa, bilang pagpapasulong sa kapayapaan at kaunlaran.
Sa talumpati, unang-unang inilahad ni Xi ang pagpili ng Tsina ng sariling landas batay sa kasaysayan at komong mithiin ng mga mamamayan. Dagdag niya, minamahal ng mga mamamayang Tsino ang kapayapaan at kaunlaran, at hinahangad din nila ang mas mabuting pamumuhay.
Ipinahayag din ni Xi ang pag-asang patuloy na kakatigan ng Britanya ang Tsina, at pasusulungin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan. Binigyang-diin niyang dapat magkasamang magsikap ang Tsina at Britanya, para magbukas ng ginintuang panahon ng kanilang relasyon, at magbigay ng mas malaking ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng sangkatauhan.
Salin: Liu Kai